ako po si elay, nagbibigay pugay.
Posted by: elayskie0207 in Filipina Writing Project, The FilipinaIsang certified Movie fanatic si Mama. Nung nandito pa siya sa Pilipinas, walang isang pelikula ni Nora Aunor, Vilma Santos o Sharon Cuneta ang pinalampas niya.
Sinasalamin daw ng mga nagagampanan nilang role sa pelikula ang talambuhay ng isang Ina, ng isang Babae…
Sabi ko naman, Maari. Maaring Hindi.
Pero natapos ang kanyang pagiging movie fan ng pumunta siya ng Jeddah, Saudi Arabia. Walang sinehan doon. Mabigat man sa loob niyang iwan ang kanyang “career” dito bilang isang movie fan, kailangan niyang mangibang bansa. Tumatanda na si Papa at di na daw niya kakayanin mag-isa ang pagtratrabaho.
Sa madaling salita, ang Mama ko ay isa na ngayong OFW.
Eto na nga siguro ang ibig sabihin ng sakripisyo ngayon. Sila na nga ang mga imahe ng totoong ibig sabihin ng pagsasakripisyo para sa mga mahal sa buhay. Mga Inang nasa ibang bansa, nagpapakakuba sa pagtratrabaho upang makatulong, maiahon, maiangat ang pamilya. Silang mga Ina na nagtitiis sa pangungulila, na hindi makasama ang mga anak nila sa espesyal na okasyon ng taon, o sa bawat pagharap ng araw, kapalit ng libo-libong perang ipapadala nila dito sa Pinas. Libo-libong pang-tuition, pambayad ng kuryente, pang-araw-araw na pang gastos, kapalit ng kalyo, pagod at pakikisama at pagsisilbi sa mga ibang lahi.
Tama si Mama, tila wala ngang pinagkaiba sa mga nagampanang role ni Nora, Vilma o Sharon sa pelikula.
Ilang kaarawan na nga ba ang lumipas na di namin sila kasama? Malungkot ang buhay para sa isang anak OFW. Pero ano ang lungkot na ito kumpara sa lungkot ng mga magulang naming nasa abroad?
Ano ang pakiramdam ng isang magulang na hindi magawang isayaw ang anak sa debut niya?
Ano ang pakiramdam ng isang Ina na hindi maalagaan ang kanyang anak tuwing magkakasakit ito?
Ano nga ba ang pakiramdam na alam mong gagradweyt na ang anak mo pero di ikaw ang kasama niya sa stage para kunin ang kanyang diploma?
Gaano nga ba kasakit tuwing dadaan ang isang araw, linggo, buwan at taon na di mo man lang nakasabay kumain sa isang hapag-kainan ang pamilya mo?
Gaano kalamig ang Pasko sa mga OFW?
Kung noon, mga Ama lang ang nangingibang bansa, iba na daw ang panahon ngayon. Maraming Ina ang umaalis para makipagsapalaran sa ibang bansa. May nagtatagumpay, may nagsusumikap parin magtagumpay, at may mga naharang ang tagumpay.
May naaabuso, may nasasaktan, may umuuwi ng walang napala, merong pang umuuwi ng walang buhay. Isang malupit na katotohanang lahat tayo ay nagigimbal parin hanggang ngayon. Ngunit lahat ito, alam nilang pwedeng mangyari sa puntong lumabas sila ng Pilipinas, pero kailangang tanggapin dahil kasama ito sa pakikipagsapalaran sa ngalan ng paghahangad ng magandang buhay.
Eto ang kanilang sakripisyo. Ang makabagong mukha ng OFW. Ang masipag na Pinay, matiiisin, mapagmahal na Ina.
Silang mga nurse, doktor, secretary, domestic helper, entertainer, teacher, caregiver, o sa popular na tawag, mga bagong bayani ng bansang ito.
Ang pagsaludong ito ay para sa inyong katapangan, kasipagan at kabaitan. Yan ang Pinay! Sa pinakita niyong katapangan sa pagharap ng mga pagsubok, sa gitna ng diskriminasyon at panlalait na hindi maiiwasan, sa patuloy na pagpapakita kung ano ang kakahayan ng isang Filipina, saludo po ako sa inyo.
Sana sa munting paraang ito ay napakita ko sa Mama ko na kahit di ko man madalas sabihin, para sa akin, siya ang superstar ng buhay ko.
Para sa aming anak OFW, sila ang Bida.
Daig nila ang mga nagampanan ng kung sinong artista, dahil ang kanilang laban ay sa totoong buhay.
Walang direktor, walang cut, re-take, at pack-up. walang magsasabi kung kailan sila dapat iiyak, kailan tatawa, walang background music para itulak ang mga luha, walang cameraman, ang iskrip ay tanging sa kanila lamang, walang edit, walang adlib.
Di man pumatok sa takilya ang blog entry na ito, sapat na saking mananatili itong isang masterpiece hanggang sa mabasa ito ni Mama, at nang iba pang OFWng Ina.
Muli, ako po si Elay, anak OFW, nagbibigay pugay sa mga Inang OFW.
isinulat pagkatapos makatanggap ng tawag kay mama, nagsosorry dahil di ako mapadlhan ng pera pang birthday ko. wala mang handa, wala mang gala, mas maganda sana kung nandito kayo, mama.

*************************
www.simplyelay.com
Subscribe via email to receive updates from FilipinaImages.com
Related Entries:






Entries (RSS)
No comments yet.